Pamilya Marcos pinagso sorry ng oposisyon sa publiko kasabay ng pagbabalik ng ill gotten wealth
Hindi maitururing na sincere ang pamilya Marcos na ibalik ang mga umano’y ill gotten wealth kung hindi magsasagawa ng public apology sa nangyaring Martial Law.
Kasunod ito ng deklarasyon ni Pangulong Duterte na handa ang pamilya Marcos na ibalik ang bahagi ng umano’y nakaw na yaman kasama na ang ilang gold bars.
Ayon kay LP President at Senador Francis Pangilinan paniniwalaan lang ang sinseridad ng pamilya Marcos kung hihingi ng kapatawaran sa mga kasalanan sa diktatura.
Para kay Senador Bam Aquino, tama lang na ibalik ng pamilya Marcos anuman ang iligal na kinuha sa kaban ng bayan.
Pero kailangan aniyang pag aralan muna ng Presidential Commission on Good Government kung magkano talaga ang nawawala sa kaban ng bayan at napunta sa pamilya Marcos.
Nais naman ni Senador Risa Hontiveros na ilantad ng gobyerno ang mga kundisyon sa pagsasauli ng ill gotten wealth.
Nangangamba ang Senador na hindi na mananagot ang pamilya Marcos sa mga kasalanan kapalit na pagsasauli ng nakaw na yaman.
Ulat ni: Mean Corvera