Pamilya ni Kian delos Santos, maaaring isailalim sa WPP ayon sa DOJ
Maaring ilagay sa Witness Protection Program ng DOJ ang pamilya ng pinaslang na binatilyo na si Kian delos Santos at mga testigo sa anti drug operation ng pulisya na nauwi sa pagkakapatay sa biktima noong August 16 sa Caloocan City.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, bukas sila na bigyan ng proteksyon ang pamilya ni delos Santos at mga testigo kung mag-a-apply ang mga ito sa WPP.
Una nang inatasan ni Aguirre ang NBI na magsagawa ng parallel investigation sa pagkamatay ng binatilyo.
Nagtungo na ang NBI Death Investigation Division sa Brgy. 160 sa Caloocan City kung saan namatay si delos Santos sa kamay ng mga pulis.
Kaugnay nito handa ang Volunteers Against Crime and Corruption na magkaloob ng tulong-ligal sa pamilya ni Kian.
Sinabi rin ni VACC Spokesperson Arsenio Evangelista na hihimukin nila si Aguirre na ilagay ang mga delos Santos at ang mga gustong tumestigo sa Witness Protection Program.
Ulat ni: Moira Encina