Pamilya Teves isinasangkot din sa agawan sa lupa
Maliban sa serye ng pagpatay at tangkang pamamaslang sa Negros Oriental, isinasangkot na rin ang pamilya Teves sa umano’y pang-aagaw ng lupa.
Sa pagpapatuloy ng pagdining ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, nabunyag ang umano’y panggigipit ng pamilya ni suspended Negros Oriental Congressman Arnulfo Teves Jr. sa ilang malalaking negosyante na may lupain sa lalawigan.
Sinabi ni committee chairman Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na tinawagan siya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para ipaalam na pinuntahan sya noon ng pamilya Gokongwei para humingi ng tulong sa anila’y panggigipit sa kanila ng pamilya Teves.
“Si Gokongwei pumunta sa kaniya at nagreklamo tungkol doon sa lupa na kanilang nabili kay late Cong. Herminio Teves. Sila daw ay talagang ginipit doon at napilitan na silang i-give up yung lupa na kanilang pagmamay-ari,” paliwanag ni dela Rosa.
Bagama’t hindi raw idinetalye ng dating pangulo, sinabi ni dela Rosa na lahat ng diskarte ng pangha-harass ay ginawa umano ng pamilya Teves.
Wala naman umanong nagawa noon si Duterte dahil alkalde pa lamang siya noon sa Davao at naibenta na ang lupa nang maupo siyang bilang pangulo.
Inimbitahan ng Senado ngunit hindi sumipot ang kinatawan ng pamilya Gokongwei.
Isa pang negosyante ang lumantad sa Senado at idinawit si Cong. Teves sa umano’y panggigipit sa kanila para ilipat sa pamilya Teves ang kanilang negosyo at tinangkang kikilan ng P5-milyon.
Sinabi ni Rhodora Hassouna na napilitan silang iwan ang negosyo sa Dumaguete dahil sa patuloy na pangha-harass at pagbabanta sa kanilang buhay.
Sinabi ni dela Rosa na marami pa silang ipapatawag na testigo sa Senado.
Dahil naman sa mga karahasan sa lalawigan, inirekomenda na ni Senador Robinhood Padilla na isailalim sa control ng military ang Negros Oriental.
“Sa ating Konstitusyon, malinaw na sinasabi na kapag ang isang lugar ay pinamumugaran na ng ganitong klaseng krimen, pinapayagan po ang Pangulo ng Pilipinas na mag-takeover kayo at ayusin ang lugar na yan,” paliwanag ni Padilla.
“Palagay ko sa sarili kong maliit na opinion, parang kailangan na po talaga rito ng militar,” dagdag pa ng senador.
Meanne Corvera