Panawagan ng grupo ng mga student leader para bitiwan ng DOJ ang PI sa pagkamatay ni Kian Lloyd delos Santos at ipaubaya ito sa Ombudsman, ibinasura
Ibinasura ng DOJ ang mosyon ng grupo ng student leaders na bitiwan nito ang preliminary investigation sa pagkamatay ng labing-pitong taong gulang na si Kian Lloyd delos Santos at ipaubaya ito sa Office of the Ombudsman.
Paliwanag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, sa National Prosecution Service isinampa ang reklamo na silang magsasagawa ng preliminary investigation at hindi sa Office of the Secretary kaya mali na sa kanila ihain ang motion to inhibit.
Premature din aniya kung aaksyunan nila ang kahilingan ng grupo dahil hindi pa nga nakakarating sa tanggapan ng Justice Secretary ang mismong kaso.
Giit pa ni Aguirre, tila dilatory lamang ang mosyon ng mga estudyanye dahil hindi naman sila complainant sa inihaing reklamo ng Public Attorneys Office at mga magulang ni Kian sa NPS.
Dapat din aniyang ipaubaya sa maitatalagang investigating prosecutors ang desisyon kung mag-iinhibit sa kaso.
Ang prosecutor general naman ang magpapalabas ng kautusan at hihirang ng mga piskal na magsasagawa ng preliminary investigation.
Muli ring nilinaw ni Aguirre na wala ring hurisdiksyon ang Office of the Ombudsman sa kaso ng pagpaslang ng mga pulis sa binatilyo.
Bagaman may kapangyarihan aniya ang Ombudsman na mag-imbestiga at usigin ng sinomang public officers na dawit sa mga iregularidad, ang pangunahing hurisdiksyon nito ay limitado sa mga kaso na maari lamang isampa sa Sandiganbayan gaya ng mga kaso ng katiwalian.
Tinukoy ng kalihim na ang mga kaso ng murder, homicide at mga paglabag sa anti-torture act ay nasa hurisdiksyon ng mga regular na Korte.
Ulat ni: Moira Encina