Pang. Duterte nagpaliwanag sa naging pag-urong sa balak na paglalagay ng bandila ng Pilipinas sa Spratlys
Nagpaliwanag si Pangulong Rodrigo duterte sa naging desisyon nitong iatras ang naunang pahayag na pupunta sa Pag-asa Island sa araw ng kalayaan sa June 12 at itaas doon ang watawat ng Pilipinas.
Sa kanyang mensahe sa Filipino Community meeting, sinabi ni Pangulong Duterte na nagpasabi ang China na huwag niyang ituloy ang kanyang balak, bagay na kanyang sinunod bilang respeto sa pagkakaibigan.
Ayon kay Pangulong Duterte, plano na lamang niyang magpadala ng ibang kinatawan sang-ayon sa kagustuhan ng China.
Nilinaw din ng Pangulo na hindi gray ship o navy ship ang ipapadala sa 10 isla sa Kalayaan Group of Islands dahil wala naman siyang balak makipaggiyera.
Basta ang mahalaga aniya ay may ookupa sa mga nasabing isla para pagtibayin ang pag-angkin ng Pilipinas bilang mga teritoryo.