Pangambang lalong kakalat ang kaso ng covid – 19 sa pagbabalik pasada ng mga Provincial buses sa metro manila pinawi ng malacañang
Naniniwala ang Malacañang na hindi magdudulot ng ibayong pagkalat ng covid 19 ang pagpapahintulot na bumalik na ang biyahe ng mga provincial buses papasok at palabas ng Metro Manila.
Sa gitna ito ng agam- agam ng ilang sektor na baka dumami sa mga lalawigan ang kaso ng covid 19 na magmumula sa Metro Manila na itinuturing na episentro ng corona virus.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque limitado lang naman sa tatlong lalawigan ang papayagang makabiyahe papasok at papalabas ng Metro Manila.
Sinabi ni Roque ang mga pinayagang probinsiya na makapasok na sa Metro Manila ang biyahe ay ang Laguna, Cavite at Batangas at mahigpit namang ipatutupad ang mga health standard protocols.
Inihayag ni Roque na wala namang masyadong malaking banta na idudulot ng pagbabalik biyahe ng mga bus mula sa Batangas, Laguna at Cavite dahil nasa General Community Quarantine o GCQ ang Metro Manila.
Iginiit ni Roque ang unti-unting pagbabalik ng biyahe ng mga provincial buses papasok at palabas ng Metro Manila ay bahagi ng hakbang ng pamahalaan para makagalaw na ang ekonomiya ng bansa na tinamaan ng epekto ng pandemya ng covid 19.
Vic Somintac