Pangambang muling lalala ang kaso ng COVID-19 dahil sa pagluluwag ng Pilipinas sa pagpasok ng mga dayuhan pinawi ng Malakanyang
Naniniwala ang Malakanyang na hindi magdudulot ng muling paglobo ng kaso ng COVID-19 ang ginawang pagluluwag ng pamahalaan sa pagpasok ng mga dayuhan sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Karlo Alexi Nograles na mahigpit ang health protocol na ipinatutupad sa mga dayuhan na papasok sa Pilipinas.
Ayon kay Nograles malinaw ang guidelines na inilabas ng Inter Agency Task Force o IATF na ang mga fully vaccinated ng anti COVID-19 na dayuhan at mayroong negative RT PCR test mula sa country point of origin ang papayagang makapasok sa bansa.
Inihayag ni Nograles mahigpit ding ipatutupad sa mga dayuhan na papasok sa bansa ang standard health protocol na palagiang pagsusuot ng face mask, social distancing at paghuhugas ng kamay.
Niliwanag ni Nograles sa pamamagitan ng pagluluwag sa boarder control sa mga dayuhan ay muling mabubuhay ang industriya ng turismo sa bansa.
Vic Somintac