Pangulo ng Peru, kinuwestiyon ng prosecutor na nag-iimbestiga sa pagkamatay ng mga protester
Kinuwestiyon ng isang prosecutor na nag-iimbestiga sa pagkamatay ng anti-government protesters ang pangulo ng Peru na si Dina Boluarte, sa gitna ng mga akusasyon ng rights groups na gumamit ng “excessive at lethal force” ang security forces.
Ang Peru ay dumaranas ngayon ng isang krisis pampulitika mula nang mapatalsik sa puwesto at arestuhin ang dating pangulo na si Pedro Castillo noong Disyembre 7, na kinasuhan ng rebelyon para sa pagtatangkang buwagin ang kongreso at mamuno sa pamamagitan ng decree.
Hindi bababa sa 54 katao ang nasawi at higit sa 600 ang nasaktan sa sagupaan sa pagitan ng security forces at mga protester na sumusuporta kay Castillo.
Ang 60-anyos na si Boluarte, ay halos isang oras at kalahating kinuwestiyon ni attorney general Patricia Benavides.
Sa isang Twitter post, sinabi ng presidency na si Boluarte ay “nagbigay ng mga pahayag kaugnay ng imbestigasyon.”
Sumipot din sa korte ang 53-anyos na si Castillo, sa hiwalay na pagdinig kasunod ng kahilingan ng public prosecutor na palawigin ang kaniyang 18-month pre-trial detention sa 36 months.
Nais ng prosecutors na idagdag ang charges ng “criminal organization, collusion and influence trafficking” sa rebellion charges na nakahain na laban kay Castillo.
Sa virtual hearing ay sinabi ni Castillo, “I strongly and categorically deny being responsible for and part of a criminal network. The only crime I committed was serving my country as president of the republic.”
Ayon sa dating pangulo, pakiramdam niya ay “dinukot” siya.
Bago ito, sinabi ng public prosecutor’s office na si Boluarte ay ipinatawag upang magbigay ng ebidensya kaugnay sa “kaso ng pagkamatay ng mga sibilyan na nangyari sa panahon ng mga demonstrasyon mula December 2022 hanggang January 2023.”
Noong Enero ay binuksan ng mga prosecutor ang imbestigasyon laban kay Boluarte, na inaakusahan ng “genocide, aggravated homicide at serious injury” laban sa anti-government demonstrators.
Hinihingi ng mga protesters ang pagbibitiw ni Boluarte, pagbuwag sa kongreso, agad na eleksyon at bagong saligang batas.
Target din ng imbestigasyon ang iba pang ministers.
Kahit si Boluarte ay maharap sa matibay na kaso, bilang pangulo, maaari lamang siyang humarap sa korte kapag tapos na ang kaniyang mandato sa 2026.
© Agence France-Presse