Pangulong Duterte hahatulan ng kasaysayan sa paghawak sa isyu sa West Philippine Sea – Dating Senador Juan Ponce Enrile
Pinayuhan ni dating Senate President Juan Ponce Enrile si Pangulong Rodrigo Duterte na huwag ng pansinin ang kanyang mga kritiko sa paghawak sa isyu sa mga pinagtatalunang tertoryo sa West Philippine Sea sa pagitan ng Pilipinas at China.
Sinabi ni Enrile batay sa saligang batas ang Presidente ang pangunahing arkitekto ng patakarang panlabas ng bansa at hindi ito maaaring pakialaman ng sinoman kahit ang Korte Suprema.
Ayon kay Enrile anumang naging patakarang panlabas ni Pangulong Duterte ay pananagutan niya ito sa bayan at hahatulan siya ng kasaysayan kung tama o mali ang kanyang ginawa.
Inihayag ni Enrile, tama ang direksiyon ng patakaran ni Pangulong Duterte sa pagharap sa problema sa mga pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
Sinabihan ni Enrile si Pangulong Duterte na ituloy ang hakbang na ginagawa na idinadaan sa diplomasiya ang pakikipag-usap sa China upang hindi humantong sa gulo at manatiling maganda ang relasyon ng Pilipinas at China.
Vic Somintac