Pangulong Duterte magdadagdag ng pitong batalyong PNP-SAF at 20 libong army para ipanlaban sa terrorismo at sindikato ng ilegal na droga
Puspusan ang ginagawang paghahanap ni Pangulong Rodrigo Duterte ng pondo para sa kinakailangang pagpapalakas ng pwersa ng PNP at AFP.
Sa oath taking ceremony sa Malacañang ng mga bagong one-star rank PNP officers, sinabi ni Pangulong Duterte na balak niyang magrecruit ng 20,000 Army troops at pitong batalyon ng PNP Special Action Forces o SAF para panlaban sa lumalalang banta ng terorismo gayundin sa iligal na droga.
Ayon kay Pangulong Duterte kabilang pa sa plano niya na gawing 24 ang fighter jets ng Air Force at bibili ng precision-guided missiles mula sa Russia.
Inihayag ni Duterte na kailangang paghandaan ang mga terorista kasunod ng karanasan sa Marawi City para maiwasang maulit ang gulatan.
Sinabi pa ng Pangulo na bagaman ayaw na niyang manisi sa nakalipas na administrasyon ang problema ng bansa ngayon ay bunga ng kapabayaan.
Ulat ni: Vic Somintac