Pangulong Duterte, maghahanap ng dagdag na pondo para tulungan ang mga biktima ng Bagyong Odette sa Visayas at Mindanao
Matapos mangako ng inisyal na 2 bilyong pisong pondo na paghahatian ng mga lalawigan na sinalanta ng bagyong Odette.
Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na maghahanap siya ng dagdag na pondo para matulungan ang mga lugar sa Visayas at Mindanao na makabangon mula sa pinsala ng kalamidad.
Sinabi ng Pangulo na huwag mainip at ginagawan ng paraan ng gobyerno kung papaano makakahanap ng karagdagang pondo dahil ang pera ng pamahalaan ay naubos na sa pandemya ng COVID-19.
Ayon sa Pangulo kakausapin niya ang Department of Budget and Management o DBM para makahanap ng pera na gagamitin sa rehabilitasyon ng mga lugar na nasira ng bagyong Odette.
Humingi ng pang-unawa ang Pangulo kung hindi agad makarating ang karagdagang tulong para sa pagbangon ng mga tinamaan ng kalamidad dahil may mga proseso pang daraanan ang pagpapalabas ng pondo ng pamahalaan.
Vic Somintac