Pangulong Duterte may go signal na para bakunahan ang mga nasa A4 at A5 priority group sa susunod na linggo
Pinagtibay na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng National Immunization Technical Advisory Group o NITAG na umpisahan na ang pagbabakuna sa mga nasa A4 at A5 priority group bago matapos ang buwan ng Mayo.
Sinabi ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez patapos na ang pagbabakuna sa mga nasa A1, A2 at A3 priority group kaya puwede ng umpisahan ang mga nasa A4 at A5 priority group.
Ayon kay Galvez ang mga nasa A4 priority group ay kinabibilangan ng mga economic essential frontliners tulad ng mga nasa sektor ng transportasyon, mga nagtitinda sa palengke at mga empliado sa gobyerno at pribadong tanggapan samantalang ang mga nasa A5 priority group ay mga indigent population o mahihirap na mamamayan.
Inihayag ni Galvez, tinatayang nasa 12.8 milyon ang mga A4 priority group samantalang ang mga A5 priority group ay umaabot sa 16 na milyon.
Niliwanag ni Galvez na kakayanin na ng supply ng anti COVID 19 vaccine ang pagbabakuna sa maraming bilang ng populasyon dahil nasa mahigit 4 na milyong doses ng bakuna kada buwan ang darating sa bansa umpisa sa buwan ng Hunyo.
Sa ngayon ay nasa 7.7 milyong doses ng bakuna ang hawak ng pamahalaan na kinabibilangan ng Sinovac, AstraZeneca, Moderna, Pfizer at Gamaleya Sputnik V.
Kaugnay nito hinihimok ni Galvez ang publiko na magpalista na sa kanilang Barangay para makapagpabakuna upang sa lalong madaling panahon ay mawakasan na ang pandemya ng COVID 19 sa bansa sa sandaling makuha ang herd immunity.
Vic Somintac