Pangulong Duterte may nabuo ng contingency at mitigating measures kapag lumala ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine
Inilahad na ng Malakanyang sa publiko ang resulta ng special meeting na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilang miyembro ng gabinete at top officials ng militar at pulisya upang paghandaan ang epekto ng nagaganap na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Karlo Alexi Nograles nabuo sa special meeting ang proactive measures ng Pilipinas para sa economic, trade at human implication ng gulo sa Russia at Ukraine na kung tuluyang lala ay makaapekto sa ibat-ibang bansa sa mundo.
Ayon kay Nograles pinagtibay ng Pangulo ang rekomendasyong palakasin ang ekonomiya, food stability sa pamamagitan ng pagsuporta sa local food production kung saan bibigyan ang mga magsasaka ng financial assistance.
Inihayag ni Nograles kung magtutuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan na makakaapekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin handa ang pamahalaan na magpatupad ng price control.
Idinagdag ni Nograles inaprubahan din ng Pangulo ang pagpapalabas ng 2.5 bilyong pisong pondo para sa pantawid pasada program na pakikinabangan ng transport sector at 500 milyong pisong financial assistance ng mga magsasaka na magagamit sa fuel at fertilizer subsidy.
Hiniling din ng Pangulo sa kongreso ang pagrepaso sa Oil Deregulation Law upang makontrol ang ginagawang linggo-linggong price adjustment na ginagawa ng mga kompanya ng langis sa bansa at magtatag ng petroleum minimum reserved alinsunod sa rekomendasyon ng Department of Energy.
Vic Somintac