Pangulong duterte nagbabala sa hudikatura na huwag pakialaman ang national policy ng gobyerno laban sa COVID-19
Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa hudikatura na huwag pakialaman ang patakaran ng national government kaugnay ng mga protocol na ipinatutupad laban sa pandemya ng COVID 19.
Ginawa ng Pangulo ang apela sa kanyang regular weekly talk to the people kaugnay ng paghahain ng declaratory relief petition sa hukuman na ginawa nina Atty. Clarence Paul Oaminal at Atty. Valentino Bacalso sa pamamagitan ng kanilang legal representative na si Atty. Benjamin Cabredo bilang mga tax payer upang kuwestiyunin ang kautusan ng Inter Agency Task Force o IATF na dapat pasakop ang Cebu provincial government sa patakaran ng national government hinggil sa quarantine protocol sa mga returning overseas filipinos at overseas filipino workers o OFWS.
Ayon sa Pangulo hindi niya susundin kung sakaling maglabas ng anumang kautusan ang hukuman sa Cebu tulad ng Temporary Restraining Order o TRO.
Sinabi ng Pangulo ipagpapauna niya ang national interest sakaling sasalungat dito ang kautusan ng hukuman sa ipinaiiral na patakaran.
Inihayag ng Pangulo nasa state of national emergency ang buong bansa dahil sa pandemya ng COVID 19 kaya mananaig ang patakaran ng pamahalaan na mangangalaga sa kaligtasan ng publiko kaysa anumang teknikalidad ng batas.
Magugunitang inatasan ng Pangulo ang Cebu provincial government na sundin ang sampung araw na facility quarantine sa mga returning overseas filipinos at OFWS at sa ika pitong araw ay isailalim sa RT PCR swab test upang malaman kung positive o negative sa COVID 19.
Batay sa Cebu provincial governmet ordinance at Executive Order na inilabas ni Governor Gwendolyn Garcia lahat ng mga returning overseas filipinos at OFWS na papasok sa Cebu airport ay agad na isasailalim sa RT PCR swab test at apat na araw lamang na facility base quarantine na taliwas sa patakaran ng IATF.
Kaugnay nito ipinauubaya na ng Pangulo sa Department of Interior and Local Government o DILG ang imbestigasyon kay Governor Garcia hinggil sa patuloy na pagsuway sa patakaran ng national government sa quarantine protocol sa mga returning overseas filipinos at OFWS.
Vic Somintac