Pangulong Duterte , nagbabala sa mga nagbebenta ng anti COVID-19 vaccine
Binantaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga magbebenta ng anti COVID 19 vaccine.
Sa kanyang regular weekly Talk to the People sinabi ng Pangulo na mahaharap sa kaso ang sinumang magbebenta ng anti COVID 19 vaccine sa publiko.
Ayon sa Pangulo, iligal ang pagbebenta ng anti COVID-19 vaccine dahil ito ay binili at ilan ay donasyon sa Pilipinas kaya not for sale kundi libre na ipinamimigay sa bawat mamamayan sa layuning makontrol na ang paglaganap ng pandemya.
Inihayag ng Pangulo lubhang nakakabahala ang report na mayroong mga nagbebenta ng anti COVID-19 vaccine sa kabila na wala pang pahintulot na ibenta ito sa publiko mula sa Food and Drug Administration o FDA dahil ang ibinigay lamang ay Emergency Use Authorization o EUA.
Ginawa ng Pangulo ang babala matapos mahuli ng mga otoridad ang suspek sa pagbebenta ng Sinovac anti COVID 19 vaccine na binili ng pamahalaan sa China para sa isinasagawang mass vaccination program ng gobyerno.
Vic Somintac