Pangulong Duterte nagdadalawang isip kung luluwagan ang quarantine protocol sa mga umuuwing OFWs
Hindi kumportable si Pangulong Rodrigo Duterte sa panukalang luwagan ang quarantine protocol para sa mga umuuwing Overseas Filipino Workers o OFWs.
Sa kanyang pinakahuling talk to the people kinunsulta ng Pangulo ang mga medical health experts ng bansa at inirekomendang maaring bawasan ang quarantine period sa mga OFWS mula sa 14 na araw ay puwedeng paiklihin ng 10 araw.
Batay sa rekomendasyon ng mga health experts maaaring hindi na tapusin ang 14 na araw ng quarantine period kung negatibo naman ang resulta ng PCR swab test sa ikapitong araw at pagsapit ng ika sampung araw at wala namang sintomas na nakita ay maari ng pauwiin ang OFW sa kanyang pamilya.
Sinabi ng Pangulo na hindi niya maaaring isugal ang kaligtasan ng OFWS kasama ang kanilang pamilya dahil sa mga bagong variant ng COVID 19 na nakapasok na sa bansa na nagdudulot ng mabilis na pagkalat ng virus.
Ayon sa Pangulo, kailangang pag-aralan munang mabuti ang kahilingang luwagan ang quarantine protocol sa mga OFWS.
Nauna rito hinihiling ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ibalik na sa dating patakaran na isailalim agad sa PCR swab test ang umuwing OFWs para i-quarantine sa loob ng limang araw at kung negatibo ang resulta ay maaari ng makauwi dahil ang 14 na araw na quarantine period ay masyadong magastos dahil sagot ng gobyerno ang kanilang hotel accommodations.
Batay sa pahayag ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA hanggang sa kalagitnaan ng buwan ng Mayo na lamang tatagal ang pondong inilaan para sa accommodations ng mga umuuwing OFWS.