Pangulong Duterte, nagpatawag ng virtual meeting at briefing ng NDRRMC kaugnay sa Super Typhoon Rolly
Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang National Disaster Risk Reduction Management Council o NDRRMC na magsagawa ng virtual meeting at briefing kaugnay ng pananalasa ng bagyong Rolly.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque dahil nasa Davao City si Pangulong Duterte nais niyang mabigyan siya ng update sa mga lugar na sinasalanta ng bagyong Rolly na isang super typhoon.
Ayon kay Roque nakahanda ang national government na bigyan ng kaukulang tulong ang mga lokal na pamahalaan na tinamaan ng kalamidad.
Inihayag ni Roque bago pa man manalasa ang bagyong Rolly ay nakaposisyon ang NDRRMC at Department of Social Welfare and Development o DSWD katulong ang mga lokal na pamahalaan para sa kaukulang relief at rescue operations.
Umapela din ang Malakanyang sa mga apektadong residente na tumalima sa mga patakarang pangkaligtasan na ipinatutupad ng pamahalaan ganun din ang mahigpit na pagsunod sa ipinatutupad na standard health protocol sa mga evacuation centers dahil sa Covid-19.
Vic Somintac