Pangulong Duterte , nagsimula nang maghakot ng kanyang gamit sa Palasyo
Nagsimula nang magbalot balot ng kaniyang gamit si Pangulong Duterte.
Ayon kay Senador Christopher Bong Go na nagsilbi ring long time aide na Pangulo, naghahanda nang umuwi ang Pangulo sa Davao dahil mahigit tatlong buwan na lang ay matatapos na ang kaniyang termino.
Hindi naman raw marami ang mga iuuwing gamit ng Pangulo.
Kung ano lang ang dinala niya noong 2016 nang maupo sa Malacañang ito rin ang iuuwi niya sa Davao city.
Hindi naman naiwasan ni Go na maglabas ng sentimyento.
Sinabi niya nang manalo ang Pangulo noong 2016 marami ang tumulong at nagbuhat ng gamit ng Pangulo pero ngayon mangilan ngilan na lamang.
Pero paglilinaw niya marami pa naman sa miyembro ng Gabinete ang nananatiling tapat sa Pangulo.
Ayon sa Senador sa ngayon ay abala pa rin ang Pangulo sa pagtugon sa mga kinakaharap na problema ng bansa lalo na sa epekto ng patuloy na pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Hinihintay na lamang aniya ng Pangulo ang rekomendasyon ng Economic team kung magpapatawag ba ng Special session o maglalabas na lamang ng executive order sa isyu ng mga panukalang suspindihin muna ang excise tax.
Pero inatasan na nito ang DBM na paspasan ang paglalabas ng fuel subsidy para sa mga apektadong PUV drivers at mga magsasaka.
Meanne Corvera