Pangulong Duterte posibleng bawasan ang face to face meeting sa mga cabinet officials dahil sa paglobo ng kaso ng COVID-19 – Malakanyang
Maaaring bawasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang face to face meeting sa mga opisyal ng gobyerno partikular sa mga miyembro ng gabinete dahil sa patuloy na pagkalat ng COVID 19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na dahil sa teknolohiya maaring idaan sa online o virtual ang pakikipagpulong sa Pangulo.
Ayon kay Roque matapos siyang magpositibo sa COVID-19 ay sa pamamagitan ng online ang kanyang pagsali sa meeting ng Pangulo sa Inter Agency Task Force o IATF sa Malakanyang.
Inihayag ni Roque maliban sa kanya ay idinaan din sa online ang ginawang report sa Pangulo ni National Task Force Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez dahil sumasailalim siya sa 6 na araw na quarantine matapos bumiyahe sa bansang India para sa negosasyon sa mga bibilhing anti COVID 19 vaccine.
Idinagdag ni Roque maging si Defense Secretary Delfin Lorenzana ay sumasailalim din sa self quarantine dahil sa kanyang exposure sa positibo sa COVID 19 kaya sa pamamagitan din ng online ang pakikipag-uganayan sa Pangulo.
Niliwanag ni Roque sa gitna ng paanalasa ng pandemya ng COVID 19 ay hindi mapaparalisa ang serbisyo ng gobyerno dahil sa tulong ng makabagong communications technology.
Vic Somintac