Pangulong Duterte, suko na sa pagresolba sa trapik sa Edsa
Kulang na ang mga natitirang taon sa ilalim ng Duterte Administration para masolusyonan ang problema at mapaayos ang daloy ng trapiko sa EDSA.
Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte hindi na kakayanin pa na matapos ang anomang proyekto para gumaan ang trapik sa EDSA kung ngayon pa lang ito sisimulan.
Sinabi ng Pangulo na pag- upo niya sa Malakanyang noong 2016 ay agad na siyang sinabihan ng mga economic managers na kailangan ng maraming pondo para maayos ang dating Highway 54 pero ito aniyay inintriga na ng ilang mga senador sa pagsasabing makukurakot lang ang pera sa pagsasa ayos sa EDSA.
Inihayag ng Pangulo huli ng ang lahat kahit ipagkaloob sa kanya ngayon ang emergency powers gayung tiyak na mabibitin lang at hindi na matatapos ang proyekto sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Naniniwala ang Pangulo na tiyak aniyang gagamitin itong bala ng kanyang mga kalaban para siyay mapulaan at palabasing may iniwan siyang nakatenggang proyekto sa pagtatapos ng kanyang termino sa taong 2022.
Ulat ni Vic Somintac