Panibagong akusasyon ng kurapsyon laban kay Senador Richard Gordon, ibinato ni Pangulong Duterte sa regular weekly talk to the people
Muling nagpasabog ng akusasyon ng kurapsyon si Pangulong Rodrigo Duterte laban kay Senador Richard Gordon.
Sa kanyang regular weekly Talk to the People sinabi ng Pangulo na dapat ipaliwanag ni Gordon kung saan napunta ang 88 milyong pisong pondo ng Senador na nakapaloob sa Priority Development Assistance Fund o PDAF na mas kilala bilang pork barrel scam na kinasangkutan ni Janet Lim Napoles at ilan pang senador sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon sa Pangulo nakarating din sa kanyang kaalaman ang umano’y palpak na paghawak ng Philippine Red Cross o PRC na pinamumunuan ni Gordon bilang Chairman kaugnay sa RT PCR swab test result na inilalabas ng PRC laboratory.
Kaugnay nito inatasan ng Pangulo ang Department of Health o DOH na imbestigahan ang PRC sa pagpapalabas ng mga palpak na resulta ng RT PCR swab test.
Batay sa report na tinanggap ng Pangulo 44 mula sa 49 na hospital personnel ang nagpositibo sa COVID-19 RT PCR swab test na ginawa ng PRC Subic Laboratory subalit negatibo naman noong magpatest sa ibang molecular laboratory
Ganun din ang nangyari sa 187 mula sa 213 na personnel ng Presidential Security Group o PSG at Department of Finance o DOF na nagpositibo ang kanilang RT PCR swab test sa Red Cross laboratory subalit negatibo naman sa confirmatory test sa ibang laboratoryo.
Inihayag ng Pangulo na malaki ang pananagutan ni Gordon bilang pinuno ng PRC dahil sa mali-maling RT PCR swab test result ay nalalagay sa peligro ang buhay ng publiko kaugnay ng laban ng pamahalaan sa pandemya ng COVID 19.
Magugunitang nagbanta ang Pangulo na isisiwalat niya sa publiko ang lahat ng mga umano’y anomalya na kinasasangkutan ni Gordon.
Nagsimula ang palitan ng akusasyon ng Pangulo at Gordon ng pasimulang imbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang umanoy anomalya sa paggastos sa pondo ng DOH sa pagbili ng mga personal protective equipment na ginagamit ng mga medical frontliners sa paglaban sa pandemya ng COVID 19 sa bansa.
Vic Somintac