Panibagong batch ng mga baril, natagpuan sa #36 Tandang Sora Q.C
Napasugod noong Lunes ng gabi ang mga miyembro ng Explosive and Ordnance Division ng Quezon City Police District makaraang makatanggap ng tawag ukol sa mga nakitang matataas na kalibre ng mga baril at bala sa loob ng bahay na iligal na inukopa ng grupo ni Angel Manalo sa number 36 Tandang Sora, Quezon City.
Tumambad sa mga otoridad ang apat na matataas na kalibre ng mga baril at mga bala na nakatago sa isang partition ng bahay.
Kasama rin sa mga narekober ang tila isang explosive device na binubuo ng tatlong 40 millimeter na ibinabala sa m-203 grenade launcher.
Napapalibutan pa ng mga bala, nakabalot ng chicken wire at may wiring pa ang mga ito.
Ayon kay QCPD Station 3 Commander Supt. Danilo Mendoza, lubhang delikado kapag nagalaw ang mga ito.
Iniimbestigahan na ng QCPD kung kanino nakapangalan ang mga narekober na baril sa loob ng property at maging sa narekober na device.
Sinabi pa ni Mendoza…maaring hindi natapos ang nasabing device na layong puminsala at maghasik ng takot.
Titingnan din sa kanilang imbestigasyon kung ang nasabing device ay ginawa ng mga dating miyembro ng Philippine Marines na kasama ng grupo ni Angel Manalo.
Una nang sinampahan ng kasong illegal possesion of firearms si Angel Manalo at Gem Manalo Hemedez habang kasong direct assault at frustrated murder sa dating sundalo na si Jonathan Ledesma.
Nakapiit ang tatlo ngayon sa Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Ulat ni: Jerold Tagbo