Panibagong batch ng OFWs mula sa Lebanon, uuwi sa bansa ngayong linggo, ayon sa DMW

Darating sa bansa ngayong linggo ang mahigit 100 OFWs mula sa Lebanon bilang bahagi ng nagpapatuloy na repatriation ng gobyerno sa harap ng geopolitical tension sa Gitnang Silangan.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) , binubuo ang panibagong grupo ng repatriates ng 131 OFWs at siyam na dependents.
Dahil dito, aabot na sa 1,569 OFWs at 68 dependents ang napauwi mula sa Lebanon simula noong Oktubre 2023.
Inaasahang makauuwi sa bansa ang mga OFW sa dalawang magkahiwalay na batch sa Pebrero 10 at Pebrero 11.
Karamihan sa mga ito ay nanatili sa Beirut sa pangangalaga ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sinabi ng DMW na makakatanggap ang mga OFW ng tulong pinansiyal, livelihood assistance, skills training at iba pang klase ng suporta mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Moira Encina-Cruz