Panibagong outbreak ng COVID-19 cases sa mundo, ikinababahala ng WHO
Ikinababahala ngayon ng World Health Organization (WHO), ang panibagong pagtaas sa mga kaso ng impeksyon ng COVID-19 sa ilang bahagi ng mundo, habang sa ibang mga bansa naman ay bumabagsak na ang testing rates.
Bunsod ng panibagong outbreak ay nagpatupad ng lockdown ang ilang mga bansa sa Asya, gaya ng Hong Kong at lalawigan ng Jilin sa China.
Ang panibagong outbreak ay maaaring sanhi ng mas nakahahawang Omicron variant at sub-variant na BA.2, at ang niluwagang mga restriksiyon.
Ayon sa WHO, nakababahala rin ang mababang vaccination rate sa ilang mga bansa na bunga ng pagkalat ng maling mga impormasyon, at ang unti-unti nang pagiging kampante ng publiko at mga gobyerno.
Sa datos ng WHO, umakyat sa 8% ang mga bagong impeksyon sa buong mundo, o katumbas ng 11 milyong bagong mga kaso habang higit naman sa 43,000 ang bilang ng mga bagong namatay simula Marso 7 hanggang 13.
Ito ang kauna-unahang naiyalang mataas na bilang simula noong katapusan ng Enero.
Ang may pinakamalaking pagtaas ay ang Western Pacific region, partikular sa South Korea at China na nakapagtala ng 25% karagdagang mga kaso at 27% ang naragdag sa mga nasawi.