Panukala para bigyan ng 20% discount ang mga estudyante sa lahat ng uri ng Transportasyon, lusot na sa komite sa Kamara
Aprubado na sa House Committee on Transportation ang Substitute bill na layong bigyan ng 20% discount ang mga estudyante sa lahat ng uri ng transportasyon.
Sa ilalim ng panukala ay palalawigin ang ibinibigay na diskwento sa pamasahe para sa lahat ng mga estudyante sa bansa.
Sa oras na maging ganap na batas ay mabibigyan ng 20% student fare discount ang mga mag-aaral sa land, water, at air transport systems.
Ibig sabihin, obligado nang magbigay ng 20% student fare discount ang mga bus, jeepney, taxi, tricycle at transport network vehicle services (TNVs), MRT, LRT gayundin ang mga airlines at barko.
Sa ilalim pa ng panukala, kahit na araw ng sabado at linggo o holiday ay maaaring makapag-avail ng student discount.
Ayon kay Transportation committee chairman Cesar Sarmiento, malaking tulong para sa mga estudyante at sa mga magulang ang diskwento sa pamasahe ng mga mag-aaral lalo pa’t nagtataasan ang presyo ng mga bilihin at serbisyo at araw-araw na gastusin ng isang pamilya.
Ulat ni Madz Moratillo