Panukalang ₱10 billion supplemental budget para sa rehabilitasyon ng Marawi City, inihain sa Kamara
Naghain na ng panukala sa Kamara si Kabayan Party List Rep. Harry Roque para sa ₱10 billion supplemental budget para sa rehabilitasyon ng Marawi City.
Sa House Bill 5874 o Tindig Marawi Build ni Roque, ang ₱10 billion supplemental budget ay hahatiin para sa Department of National Defense , Dept. of Irrigation, Dept. of Public Works and Highways, Dept. of Social Welfare and Development at National Housing Authority.
Gagamitin ang nasabing pondo para sa humanitarian assistance sa mga biktima ng Marawi siege at rehabilitasyon ng mga nasirang imprastraktura, ari-arian at establisyimento sa Lungsod.
Ayon kay Roque, mahalaga na ngayon pa lang ay mapaghandaan na rin ng gobyerno ang gagawing rehabilitasyon sa Lungsod at pagbabalik ng peace and order sa lugar matapos ang mahigit na 20 araw na nagpapatuloy na kaguluhan doon.
Ang panukala ay inihain ni Roque kasunod ng atas ni Pangulong Duterte ng paglalaan ng ₱10 bilyong pondo para sa Marawi rehab.