Panukalang batas na magbibigay ng special power kay PBBM para kontrolin ang inflation rate sa bansa isinusulong sa Kamara
Inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ni Congressman Joey Salceda Chairman ng House Committe on Ways and Means ang House Bill 2227 o Bangon Bayan Muli o BBM Act na naglalayong bigyan ng special powers si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para kontrolin ang inflation rate sa bansa o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Sinabi ni Salceda na napapanahon ang pagbibigay ng special powers sa Pangulo upang mabawasan ang epekto ng inflation na iniinda na ng mga karaniwang mamamayan.
Ayon kay Salceda na isang ekonomista maituturing na urgent sa kasalukuyan ang pagkontrol sa presyo ng mga bilihin at serbisyo na maituturing na structural ang mga sanhi ng inflation.
Inihayag ni Salceda mismong ang economic managers ng pamahalaan ang nagsabi sa congressional oversight hearing na halos naubos na kung ano ang maaari pang gawing monetary policy upang mapababa ang mga presyo ng bilihin at serbisyo sa bansa.
Ang special powers na ibibigay ng Kongreso sa Pangulo ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
- Anti-hoarding power
- Pagbibigay insentibo sa produksyon ng mga essential na produkto
- Kapangyarihan para makapagbigay ng loans at guarantees sa suppliers ng mga produkto
- Transport emergency power
- Pag-mobilize sa uniformed personnel para mapabilis ang infrastructure projects
- Bumuo ng inter-agency working group o taskforce.
Niliwanag ni Salceda kung hindi bibigyan ng special powers ang Pangulo mahihirapan ang bansa na tugunan ang mga problemang may kinalaman sa kabuhayan dahil sa nagbabantang world food crisis at economic recession.
Vic Somintac