Panukalang batas na magpapalakas sa internet transaction at E-commerce sa bansa muling inihain sa Kamara
Hindi man napagtibay sa katatapos na 18th congress muling inihain ni incoming House Speaker Leyte Congressman Martin Romualdez kasama sina Ilocos Norte Congressman Ferdinand Alexander Marcos, Tingog Partylist Representatives Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre ang House Bill number 4 na naglalayong palakasin ang Internet Transaction at Electronic Commerce sa bansa.
Batay sa panukalang batas kailangang palakasin ang Internet Transaction at E-Commerce sa bansa dahil batay sa ginagawang pag-aaral ng Google at Temasek ay napag-alaman na sa Southeast Asia pa lamang ay mabilis na lumalago ang internet economy kung saan naitala ang Gross Merchant Value o GMV na 100 billion dollars at inaasahan na ito ay aabot sa 300 billion dollars sa taong 2025.
Sinasabing sa Pilipinas ang nakapagtala ng pinakamababang Gross Merchant Value na 7 billion dollars sa kabila na ang bansa ay mayroong 76 million na internet users samantalang ang Malaysia ay nakapagtala ng 11 billion dollars, Vietnam 12 billion dollars, Singapore 12 billion dollars, Thailand 16 billion dollars at Indonesia 40 billion dollars.
Ayon pa sa pag-aaral hindi masyadong gumagamit ng electronic transaction sa bansa ang mga Micro Small and Medium Enterprises o MSME’S dahil sa kakulangan ng mga policies at regulations at mabagal ang internet service connections sa bansa.
Kung mailulusot ngayong 19th congress ang Internet Transaction and E-Commerce Bill ay palalakasin nito ang Republic Act 8792 o Electronic Commerce Act of 2000 dahil maitatatag ang E-Commerce Bureau na nasa ilalaim ng Department of Trade and Industry na siyang tututok sa lahat ng mga electronic business transaction sa bansa.
Vic Somintac