Panukalang batas na magtatatag ng Center for Disease control sa Pilipinas Lusot na sa 2nd reading sa Kamara
Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magtatatag ng sariling Center for Disease Control o CDC ng Pilipinas.
Ito ang House Bill 6522 na lilikha ng CDC para mapatatag ang healthcare response ng pamahalaan sa anumang uri ng sakit na lalaganap sa bansa tulad ng pandemya ng COVID 19.
Sinabi ni House Committee on Health Chairman Ciriaco Gato na mas malakas ang posibilidad na maging ganap na batas ang CDC Bill dahil kabilang ito sa mga priority legislative agenda na inilatag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na binanggit niya sa kanyang unang State of the Nation Address o SONA.
Tiniyak ni Gato na hindi mabubuwag ang Research Institute for Tropical Medicine o RITM sa oras na maitatag ang CDC.
Ayon kay Gato kabilang sa pangunahing layunin ng CDC Bill ay maprotektahan ang mga Pilipino mula sa epekto ng lahat ng uri ng mga sakit na mayroong mandato na maglatag ng mga istratehiya at patakaran para sa disease prevention and control.
Kapag naging ganap na batas, ang CDC ay ipapasailalim sa Office of the Secretary ng Department of Health o DOH.
Ang CDC ay pamumunuan ng isang Director General na mayroong ranggong Undersecretary na itatalaga ng Pangulo batay sa rekumendasyon ng DOH Secretary.
Vic Somintac