Panukalang batas na malibre na sa buwis ang honorarium at iba pang allowances ng mga guro na magsisilbi sa halalan lusot na sa Senado
Lumusot na sa Committee Level ng Senado ang panukalang batas na malibre na sa buwis ang honorarium at iba pang allowances ng mga guro na magsisilbing Board of election inspector.
Sinabi ni Senador Pia Cayetano na Chairman ng Senate Committee on Ways , naiiendorso na sa plenaryo ng Senado ang House bill 9652 na una nang pinagtibay ng Kamara.
Pagbalik aniya ng sesyon ng Kongreso sa may 23, papipirmahan na ito sa mga Senador para agad maaprubahan at agad maisabatas.
Gaya ng iba pang Senador, naniniwala si Cayetano na dapat exempted na sa buwis ang lahat ng natatanggap ng mga guro tuwing eleksyon dahil masyadong mabigat na tungkulin ang kanilang ginagawa na hindi na sakop ng kanilang trabaho.
Minsan lang rin aniya ibinibigay ang ganitong benepisyo kada tatlong taon o tuwing magdaraos lang ng eleksyon.
Pero aminado ang Senador na dapat maging maingat sa pagpapasa ng panukala sa pangambang ma veto rin ito ng Pangulo.
Ito’y dahil tutol sa panukala ang Department of Finance at BIR sa pagsasabing sapat na ang income tax exemption na ipinatutupad sa train law.
Ngayong eleksyon, tumaas ng isanglibong piso ang honorarium na matatanggap ng mga guro kasama ang COVID-19 allowances pero kakaltasan rin ito ng 20 percent tax.
Sa datos ng Department of Education, aabot sa mahigit animnaraang libong mga guro at non teaching personnel ang sasabak sa halalan.
Meanne Corvera