Panukalang batas para sa mandatory training ng motorcycle riders isinusulong sa Kamara
Inihain sa mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na naglalayong isailalim muna sa Mandatory training ang isang motorcycle rider bago payagan na makapagparehistro ng motorsiklo sa Land Transportation Office o LTO at makapag-renew ng drivers license.
Ito ang nilalaman ng House bill 32 na inihain ni Congressman Lourd Alan Velasco .
Ayon kay Velasco napapanahon na higpitan ang paggamit ng motorsiklo sa mga pangunahing lansangan lalo na sa Metro manila partikular sa Edsa at Commonwealth Avenue dahil sa dami ng aksidente na kinasasangkutan ng motorcycle riders.
Batay sa record ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA noong 2021 ay umabot sa 26,768 ang naitalang motorcycle accidents sa National Capital Region o NCR ,14,500 ang nasugatan at 295 ang namatay.
Sa tala naman ng Land Transportation Office o LTO noong 2021 ay nasa 1.44 milyon na ang bilang ng mga rehistradong motorsiklo.
Binigyang diin ni Velasco na karamihan sa motorcycle riders ay hindi marunong sa road courtesy kaya nasasangkot sa mga aksidente.
Vic Somintac