Panukalang batas ukol sa Agripreneurs scholarship program sa mga kabataan inihain sa Kamara
Isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang isang panukalang batas na naglalayong magkaroon ng “Agripreneurs Scholarship Program” at paglaanan ito ng P1 bilyon sa unang taon ng implementasyon.
Ito ang House Bill 2419 ni AGRI Partylist Representative Wilbert Lee, na target ng panukalang batas na mahimok ang mas maraming kabataang Pilipino o mga esudyante na kumuha ng kurso sa agrikultura, forestry at fisheries degree upang palakasin ang edukasyon at pagsasanay para sa makabagong agricultural principles at techniques.
Sa ilalim ng panukalang batas ni Lee ilalatag ang “Integrated Agripreneurs Scholarship Program” sa bawat State Universities and Colleges o SUCs gayundin sa private higher education institutions, at ito ay pamamahalaan ng Commission on Higher Education o CHED at Department of Agriculture o DA.
Ang mga kuwalipikadong estudyante na kukuha ng alinmang agriculture-related courses ay ituturing na “agripreneurs scholars” at makatatanggap ng iba’t-ibang suporta mula sa gobyerno gaya ng:
- Financial assistance para sa matrikula at iba pang school fees
- Allowance para sa kinakailangang libro, supplies at equipment
- Allowance para sa damit o uniporme
- Allowance para sa dormitoryo o boarding house at transportation allowance
- Bayad sa Internship fees, kasama na ang pagtanggap ng financial assistance habang nasa internship.
- Pinansyal na allowance para sa pagkuha ng licensure exam, sa loob ng isang taon pagkatapos maka-graduate
- At sub-sistence o living allowance.
Samantala, mayroong probisyon sa panukala para sa “mandatory return service program” kung saan sa loob ng isang taon matapos maka-graduate, ang agripreneur scholar ay dapat magsilbi o magtrabaho sa alinmang public agricultural institutions o kumpanya na accredited sa DA.
Vic Somintac