Panukalang budget sa 2024 ng Commission on Audit at Office of the Ombudsman, lusot na sa komite ng Senado; Ombudsman Martires payag na tanggalin ang confidential funds sa 2024 budget
Wala pang limang minuto ay lumusot na agad ang panukalang budget ng Commission on Audit (COA) para sa 2024 na mahigit P13 billion.
Pinangunahan ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba ang pagprisinta ng panukalang pondo ng komisyon sa Senate Committee on Finance.
Walang ibang senador na tumutol o kumuwestiyon sa P13, 360, 543, 000 sa proposed budget ng COA sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).
Ang nasabing halaga ay mas mababa kumpara sa orihinal na proposed budget ng COA sa Department of Budget and Management (DBM) na P14, 166, 257,000 billion.
Ang panukalang budget ng COA para sa Capital Outlay na mahigit P841 million ang malaking naibawas sa 2024 budget kung saan P126.8 million lang ang inaprubahan ng DBM.
Sinabi ni Senate Finance Committee Chairperson Senador Sonny Angara na i-eendorso na niya sa plenaryo ng Senado ang COA budget.
Sumunod naman isalang ng komite ang panukalang budget ng Office of the Ombudsman na P5.050 billion na mabilis ding lumusot sa finance panel.
Inihayag ni Ombudsman Samuel Martires sa komite na payag sila na alisin sa pondo nila sa susunod na taon ang inilaan na P51 million pesos na confidential funds.
Aniya, hindi ito makakaapekto sa kanilang trabaho at mandato.
Ayon pa kay Martires, ayaw din niyang mabahiran ang integridad at reputasyon ng Ombudsman dahil sa isyu sa confidential funds.
Moira Encina