Panukalang gawing pribado ang Hollywood award show, aprubado na ng Golden Globes group
Inaprubahan na ng kontrobersiyal na grupong nasa likod ng Golden Globes ng Hollywood, na gawing isang bago at for-profit entity na kontrolado ng US billionaire na si Todd Boehly, ang naturang film and television awards show.
Binubuo ng humigit-kumulang 100 entertainment writers na may mga kaugnayan sa foreign publications, ang Hollywood Foreign Press Association (HFPA) ay binalot ng mga alegasyon ng korapsiyon, racism at amateurism, na naging sanhi para magkaroon ng Hollywood boycott at alisin ang naturang high-profile show sa pagpapalabas sa NBC ngayong taon.
Si Boehly, na may malaking share sa Los Angeles Dodgers baseball team at sa Chelsea soccer team, ay interim CEO na ng HFPA bago pa pagbotohan ng mga miyembro nito na aprubahan ang kaniyang proposal para sa isang bagong pribadong kompanya na kokontrol sa Golden Globes.
Ayon sa pahayag ni HFPA president Helen Hoehne . . . “This is a historic moment for the HFPA and the Golden Globes. We have taken a decisive step forward to transform ourselves and adapt to this increasingly competitive economic landscape for both award shows and the journalism marketplace.”
Ang HFPA naman ay mananatiling isang non-profit entity, na naka-pokus sa charitable efforts na ang malaking pondo ay galing sa Golden Globes.
Samantala, ang Eldridge Industries ni Boehly ay bubuo ng bagong kumpanya na “may kapangyarihang pangasiwaan ang propesyonalisasyon at modernisasyon ng Golden Globe Awards.”
Nakasaad pa sa statement . . . “New Golden Globes voters from beyond the HFPA will be added to increase the size and diversity of the available voters for the annual awards.”
Ang awards ay tradisyunal na pangalawa lamang sa Oscars sa Hollywood, kahit man lang sa katanyagan at publisidad.
Ang botohan ay kasunod ng mga buwan ng matinding debate at panloob na pagsusuri sa alok ni Boehly at mga alternatibong panukala.
Ngunit malamang na hindi pa rin matapos ang kontrobersiyang bumabalot sa Golden Globes.
Hindi pa kinukumpirma ng NBC na ipalalabas nito ang Golden Globes sa susunod na taon sa kabila ng mga nakaraang pagtatangka ng grupo na magkaroon ng mga reporma, at pinipigilan din ng ilang makapangyarihang Hollywood publicist ang kanilang mga artistang kliyente na daluhan ang mga kaganapan sa HFPA.
Sinasabi ng mga kritiko na ang pag-takeover ni Boehly ay lilikha ng mga bagong isyung legal at etikal, at binanggit na maaaring lalo pang mabawasan ang transparency at magkaroon ng isang “two-tier” system sa pagitan ng HFPA members at outside voters, na inaasahang karamihan ay magmumula sa minority backgrounds.
Pag-aari na ng Eldridge Industries ang MRC, na siyang nagpo-produce sa Golden Globes ceremony, at may share sa Beverly Hilton hotel, kung saan ginaganap ang awards.
Ayon sa Los Angeles Times, ang hakbang ay nangangailangan pa rin ng isang final sign-off mula sa attorney general ng California.
Hindi naman tumutugon ang HFPA sa hinihingi sa kanilang komento.
© Agence France-Presse