Panukalang hiwalay na kulungan para sa Muslim PDLs, kailangan ang malalim na talakayan – SOJ
Aminado si Justice Secretary Crispin Remulla na mahirap ang mungkahi na hiwalay na piitan para sa Muslim Persons Deprived of Liberty (PDLs).
Kasunod ito ng panukala ni Presidential Adviser on Muslim Affairs Almarim Tillah sa Bureau of Corrections (BuCor) na magkaroon ng hiwalay na jail facility para sa Muslim inmates.
Sinabi ni Remulla na puwede naman itong gawin pero hindi madaling maisakatuparan dahil palaging kulang sa budget tulad ng kinakaharap ng mga kasalukuyang kulungan sa bansa.
Ayon pa sa Kalihim, kailangan nang komprehensibong pagtalakay sa panukala.
Aniya, kung pagbigyan din ang nais na hiwalay na piitan para sa isang relihiyon ay maaaring magsunuran na rin ang ibang grupo ng pananampalataya.
Una nang sinabi BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na kaniyang idudulog kay Remulla ang mungkahi ni Tillah.
Moira Encina