Panukalang ipagbawal at gawing krimen ang online gambling, isinusulong sa Senado
Nais ni Senador Alan Peter Cayetano na tuluyan nang ipagbawal at gawing krimen ang lahat ng online gambling tulad ng E- sabong.
Naghain na si Cayetano ng panukalang batas para tuluyang ipagbawal ang lahat ng uri ng sugal sa pamamagitan ng online.
Sa panukalang batas sinumang tataya sa online gambling ay maaring makulong ng isa hanggang anim na buwan bukod pa sa multang isandaan hanggang limandaang libong piso depende sa magiging pasya ng Korte.
Kapag nasangkot naman ang isang organisasyon o korporasyon, maaring makulong ang kanilang mga opisyal ng hanggang limang taon bukod pa sa limandaang libong piso.
Kapag nasangkot naman ang isang opisyal o kawani ng gobyerno bukod sa multa at kulong, maari silang masibak sa pwesto at hindi na maaring ma appoint o kumandidato sa anumang posisyon sa gobyerno.
Ayon sa Senador, kahit kumita ang gobyerno sa online sabong, trilyon trilyong piso naman ang nawaldas ng mga nalulong na karamihan ay mahihirap na pamilya.
Maraming buhay rin ang sinira ng online sabong kabilang na rito ang isang nanay na nagbenta ng kaniyang anak sa halagang 45,000 pesos dahil nabaon sa utang dahil sa E- sabong.
Bukod dito hanggang ngayon hindi pa rin aniya matagpuan ang tatlumput apat na mga indibidwal na nawawala matapos masangkot sa E- sabong.
Meanne Corvera