Panukalang ipagpaliban ang halalan sa BARMM tinalakay na ng Senado
Sinimulan nang talakayin ng Senate Committee on Local Government na pinamumunuan ni Senador JV Ejercito ang panukalang ipagpaliban ang eleksyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Sa May 12, 2025 nakatakda ang eleksyon sa BARMM kasabay ng midterm elections at ito sana ang kauna-unahang eleksyon matapos itatag ang Bangsamoro Autonomous Region sa bisa ng Bangsamoro Organic Law.
Naghain ng panukala si Senate President Francis Escudero na ipagpaliban ang halalan sa BARMM sa May 2026 dahil sa naging desisyon ng Korte Suprema na ihiwalay ang Sulu.
Pero tutol ang ilang lider ng BARMM sa pagpapaliban ng halalan.
Ayon sa Gobernador ng Maguindanao del Sur , mawawalan ng karapatan ang bangsamoro people na magluklok ng gusto nilang maging lider ng BARMM.
Babala niya, kapag pinalawig ang termino ng mga nakaupong opisyal dahil walang halalan, wala ring mangyayaring oversight at midterm review kung paano ginamit ang 500 billion pesos na bloc grant at iba pang government funds na binigay sa BARMM.
Katwiran pa ng gobernador, nagpapatuloy umano ang kaguluhan sa ilalim ng mga kasalukuyang lider sa BARMM.
Meanne Corvera