Panukalang magbibigay proteksiyon sa mga naka-work from home, suportado ng CHR
Sinusuportahan ng Commission on Human Rights o CHR, ang isang panukala na naglalayong protektahan ang mga empleyado laban sa pagtatrabaho ng lampas sa oras, partikular ang mga nasa work-from-home set-up sa gitna ng pandemya.
Batay sa Senate Bill 2475 o ang panukalang Workers Rest Law, bawal nang utusan o abalahin ang mga empleyado sa oras ng kanilang pahinga.
Nais ng CHR na mamalagi ang boundary sa pagitan ng trabaho at pahinga, lalo ngayong mas marami ang nasa work-from-home status.
Ayon kay CHR Spokesperson Jacqueline Ann de Guia, dahil sa work-from-home arrangement kaya’t naging malabo na ang linya sa pagitan ng trabaho at pahinga, sapagkat maraming employers ang patuloy na umaabuso sa accessibility ng mga empleyado bunsod ng teknolohiya.
Giit niya, mahalagang hakbangin ang pagsusulong ng panukala para matiyak na may proteksiyon ang mga empleyado laluna sa gitna ng krisis pangkalusugan, kung saan mataas din ang problema sa mental health.
Paalala ni de Guia, bagama’t mahalaga ang productivity, ay responsibilidad pa rin ng employers na pangalagaan ang kapakanan ng kanilang mga empleyado.