Panukalang ‘motorcycle for hire’ tinalakay na sa Senado
Sinimulan nang dinggin ng Senado ang panukalang ‘motorcycle for hire’ bilang isa sa mga public utility vehicle (PUV).
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services, sinabi ni Senador JV Ejercito na malaki nag naitulong ng serbisyo ng motorsiklo para lumago ang ekonomiya lalo na sa panahong nagpatupad ng dalawang taong lockdown.
“We cannot discount the fact that courier motorcycle taxi’s role in our economy during the pandemic,” pahayag ni Ejercito.
Batay sa pag-aaral ng Department of Transportation (DOTr), ligtas para sa mga motorista ang motorsiklo.
Sa kasalukuyan may tatlong kumpanya ang pinapayagan ng DOTr para sa motorcycle taxi na kinabibilangan ng Angkas, Joyride at Move It.
Pero hanggang 45 libong mga motorsiklo pa lamang ng tatlong kumpanya ang pinapayagang bumiyahe sa Metro Manila o katumbas ng 30%.
Plano ng DOTr na isama sa pilot run ang Grab para sa mas maraming players.
Sinabi naman ng Grab na kung tuluyang aaprubahan at luluwagan ang paggamit ng motorcycle taxi, magkakaroon ng mas maraming opsyon ang mga pasahero tulad ng ginagawa sa Thailand.
Sinabi ni Grab Senior Executive Vice President Lim Yew Heng bukod sa mas mabilis, mas affordable ang motorsiklo.
Pagtiyak nya may ibinibigay naman silang training bago sumabak sa kalsada ang kanilang mga tsuper.
“We also have partnership with Honda for the training in other market of our drivers using the app, we monitor the behavior of the drivers,” paliwanag pa ng Grab executive.
Sinabi ni Senador Grace Poe, chairman ng komite, na pinatunayan sa resulta ng pilot study ng DOTr na may viability ang pagamit ng motorsiklo.
Sa 4-taong pag-aaral, lumitaw aniya na mayorya ng mga commuter ang pabor na gawing legal ang motorcycle taxis dahil sa mas mura at mas mabilis na biyahe lalo na sa mga oras ng matindi ang traffic.
Naniniwala si Poe na ang resulta ng pilot study ay malakas na batayan para sa pagsusulong ng polisiya na tugon sa pangangailangan ng commuting public at ng iba pang stakeholders.
Meanne Corvera