Panukalang National ID system pasado na sa 2nd reading sa Kamara
Lusot na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukalang batas para sa National Id System o ang Filipino Identification System.
Ang Filipino Identification System Bill ay isa sa priority measures ng Kamara.
Tiniyak na rin ng House Appropriations Committee na mapopondohan ang implementasyon nito.
Sa ilalim ng panukala, magiging mandatory na para sa bawat Pilipino mula edad na disi otso na kumuha ng National Id.
Para sa unang bigay, libre ang Id pero kailangan nang magbayad ang Id holder kung magpapa-reissue nito.
Ang Philippine Statistics Authority ang magiging repository ng lahat ng personal data para sa National Id at hindi ito maaaring ilabas nang walang kaukulang permiso.
Ang magbibigay ng maling personal na impormasyon sa Id at gagamit nito sa maling paraan ay mapaparusahan ng pagkabilanggo mula anim na buwan hanggang dalawang taon at may multang ₱60,000 hanggang ₱200,000.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo