Panukalang pagbibigay ng discount sa mga Political Advertisement, aprubado na sa Senado
Isang linggo bago ang filing ng Certificate of Candidacy, inaprubahan na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na magbibigay ng doskwento sa mga political advertisement sa radyo at telebisyon.
Labingwalong Senador ang pumabor sa Senate Bill 1985 na layong bigyan ng tyansa ang mga kandidato na mailahad ang kanilang plataporma.
Ayon kay Senador Aquilino “Koko” Pimentel, chairman ng Senate Committee on Electoral reforms, ito ang magiging amyenda sa Fair Elections Act.
Sa panukala mula sa kasalukuyang 30 percent discount, gagawin nang 40 percent ang discount sa pol ads sa telebisyon at 30 percent sa radyo mula sa kasalukuyang 20 percent batay sa umiiral na rates ng mga media entity.
Iginiit ni pimentel na ang Political Advertisement ay dapat maging bahagi ng social responsibility ng mga media outlets dahil ang layon ay bigyan ng tamang impormasyon ang publiko sa kwalipikasyon at plataporma ng mga kandidato.
Ulat ni Meanne Corvera