Panukalang pambansang budget, isasalang na sa debate sa plenaryo ng senado

Sisimulan nang isalang sa debate sa plenaryo ng senado, ang general appropriations bill o ang panukalang budget para sa susunod na taon na 6.352 trillion pesos.

Sa kaniyang sponsorship speech ay sinabi ni Senador Grace Pose, chairman ng Senate Finance Committee, na ginawa nilang prayoridad sa paglalaan ng pondo ang social services, kalusugan, edukasyon, trabaho, teknolohiya, imprastraktura at human development na pinadagdagan nila ng pondo.

Courtesy: Senate of the Philippines

Sa social services, kabilang sa kaniyang binanggit ang patuloy na pagpopondo sa Pantawid Pamilyang Pilipino program, na pakikinabangan ng may 4.4. na milyong pamilyang Pilipino at isanglibong pisong monthly pension ng indigent senior citizens.

Sa edukasyon, magpapatuloy ang libreng pag-aaral sa state universities and colleges, at ang paglalaan ng 9.9 na bilyong piso para sa pinalakihan na pambili ng teaching materials ng public school teachers.

Sa kalusugan, naglaan naman ng pondo para sa 700 rural health units at 300 DOH at LGU hospitals na itatayo at bibilhan ng medical facilities, at ang dagdag na pondo para sa prevention at control ng mga sakit na tuberculosis, HIV, malaria, dengue at rabies.

Upang wala nang tulad ni Alice Guo na makalulusot sa Bureau of Immigration, sinabi ni Poe na pinapondohan nila ang automated biometrics identification.

Tiniyak naman ang higit 35 bilyong pisong pondo ng COMELEC para sa idaraos na 2025 midterm national at local elections, barangay at SK elections at BARMM elections, at ang kauna-unahang online voting para sa mga OFW.

Sa inendorso nilang budget, in-adopt din ng senado ang pasya ng kamara na tapyasan ng 1.3 bilyong piso ang higit sa dalawang bilyong piso na hinihinging budget ng Office of the President, dahil ayon kay Poe, hindi nagsumite ang OVP ng hinihingi nilang dokumento.

Meanne Corvera

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *