Panukalang suspendihin ang pangongolekta ng gobyerno ng excise tax ng mga imported oil products tuluyang ibinasura ng Malakanyang
Pinanindigan ng economic team ng Malakanyang ang pagtutol sa panukalang suspendihin ng gobyerno ang pangongolekta ng excise tax sa mga imported oil products para maibsan ang epekto ng patuloy na pataas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Bunsod parin ito ng paggalaw ng presyo ng mga produktong petrolyo sa world market dahil sa nagaganap na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sa regular weekly Talk to the People sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez kay Pangulong Rodirgo Duterte na sa halip na makatulong ang excise tax suspension ay lalo pang makasasama sa pangkalahatang ekonomiya at operasyon ng gobyerno sa gitna ng krisis.
Ayon kay Dominguez,kapag sinuspendi ang pangongolekta ng excise tax sa mga inaangkat ng produktong petrolyo mawawalan ang gobyerno ng 147 bilyong piso na makakaapekto sa mga economic at social program ng pamahalaan kabilang dito ang buil build build program at pasuweldo sa lahat ng empleado ng gobyerno kasama ang sundalo, pulis at mga guro dahil ang binabanggit na halaga ay nakapaloob at nakaprograma na sa 2022 National budget.
Inihayag ni Dominguez kung aalisin ang excise tax sa mga produktong petrolyo mas makikinabang ang mga mayayaman na sila ang kumukunsumo ng mas malaking porsiyento ng fuel products kaysa mga mahihirap na mamamayan.
Niliwanag ni Dominguez ang fuel excise tax suspension ay magdudulot din ng paglobo ng budget deficit ng bansa dahil mapipilitang mangutang ang gobyerno upang mapondohan ang economic at social program ng pamahalaan.
Iginiit ni Dominguez sa Pangulo na ituloy ang ginagawang targeted relief sa mga apektadong sektor sa pamamagitan ng fuel subsidy sa transport at agricultural sector ganundin ang financial assistance sa mga mahihirap na mamamayan na benepisaryo ng 4P’s program.
Batay sa naunang targeted relief action ng pamahalaan nakapagpalabas na ang gobyerno ng 3 bilyong pisong pondo para sa fuel subsidy sa transport at agricultural sector at dadagdagan pa ito ng panibagong 5.6 bilyong piso sa susunod na buwan.
Vic Somintac