Panuntunan sa Anti-Terrorism cases, tugon sa mga kontrobersiyal na isyu sa batas vs. terorismo – DOJ
Ikinatuwa ng Department of Justice (DOJ) ang inilabas ng Korte Suprema na mga panuntunan na gagabay sa lahat ng mga petisyon at aplikasyon kaugnay sa Anti- Terrorism Law.
Sinabi ni DOJ Spokesperson Mico Clavano na pabor ang kagawaran sa rules na inisyu ng Supreme Court dahil tinutugunan nito ang mga kontrobersyal na isyu na ibinabato laban sa batas kontra terorismo at may mga inilatag na remedyo.
” It addresses contentious topics such as designation, proscription, surveillance, detention without judicial warrant of arrest and significantly it also added remedy or recourse for those who believe tha they have been unjustly designated ” ani Clavano.
Aniya, binabalanse sa rules on terrorism cases ang indibiduwal na karapatan gaya sa data privacy at free speech at ang kolektibong karapatan ng mga Pilipino para sa seguridad at sa peace and order ng bansa.
Paliwanag pa ng opisyal “para pong gumawa ng rules para po makapag-referee ang Supreme Court na maayos between the two rights that usually clash on these type of issues.”
Iginiit ng DOJ na pinagtibay ng SC ang legalidad ng Anti-Terror law at pinalalakas ng batas ang kapasidad ng mga awtoridad para mapigilan ang terorismo.
Dagdag pa ni Clavano ” meron na pong International terror groups na pumupunta rito, nagrerecruit dito, nagti-train dito sa Pilipinas and We don’t want to be used as training ground for a recruitment area for International terrorist.”
Magiging epektibo ang rules sa Enero 15, 2024.
Kabilang sa inilatag na rules ng SC ay ang ukol sa pag-iisyu ng surveillance order at ang pag-aresto nang walang warrant of arrest laban sa mga taong pinaghihinalaang sangkot sa terorismo.
Moira Encina