PAO umapela sa QC RTC na isapinal na ang desisyon na nag-uutos sa DBM na ilabas ang hinarang noon na benepisyo ng mga retiradong PAO lawyer
Hiniling ng Public Attorneys Office sa Quezon City Regional Trial Court na pagtibayin na ang desisyon nito na nag-uutos sa Department of Budget and Management na ilabas at ibigay na ang mga benepisyo ng mga retiradong PAO lawyer.
Ito ay batay sa Omnibus Reply with Prayer for the Issuance of Entry of Judgment Na inihain ni PAO Chief Atty. Persida Acosta.
Noong Pebrero ay pinaboran ni Quezon City RTC Judge Maria Gilda Loja-Pangilinan ang petisyon ng PAO at ipinawalang-bisa ang kautusan ni Dating Budget Secretary Florencio Abad na humaharang sa pagkakaloob ng retirement benefits ng mga nagretirong abogado ng PAO.
Ayon sa QC RTC, napatunayan ng mga petitioner ang kanilang karapatan alinsunod sa PAO Law.
Partikular na rito ang probisyon sa nasabing batas na ang PAO retirees ay may karapatan sa patas na retirement privilege na tinatanggap ng mga prosecutor.
Sinabi ng PAO na dapat ibasura na ng hukuman ang apela ng DBM laban sa nasabing desisyon ni Judge Pangilinan dahil nabigo naman ang kagawaran sa mga hinihinging requirement ng korte kaya ang mosyon na inihain nila ay pawang papel lamang.
Ulat ni: Moira Encina