Papua New Guinea, tinamaan ng malakas na 7.0-magnitude na lindol: USGS
Niyanig ng isang malakas na 7.0-magnitude na lindol ang hilagang-kanluran ng Papua New Guinea, bago magmadaling araw ngayong Lunes.
Ayon sa US Geological Survey (USGS), tumama ang lindol 97 kilometro (60 milya) mula sa coastal town ng Wewak sa lalim na 62 kilometro, at nangyari bago mag-alas-4:00 ng madaling araw (local time). Ngunit walang ipinalabas na tsunami warning.
Sinabi pa ng USGS, na ang pagluwag ng malambot na lupa sa quake zone ay maaaring magdulot ng pinsala sa lugar, bagama’t hindi iyon masyadong matao.
Ang naturang pagluwag na kilala sa tawag na liquefaction, ay magdudulot ng paglubog ng malaking bahagi ng lupa at pahalang na pagdausdos na magreresulta ng malaking pinsala.
Ang lindol ay yumanig sa lugar na may 100 kilometro sa silangan ng border nito sa Indonesia sa isla ng New Guinea.
Ang liblib na New Britain region, na bahagi ng isang archipelago sa eastern Papua New Guinea, ay tinamaan din ng isang magnitude 6.2 na lindol sa huling bahagi nitong nakalipas na Pebrero.
© Agence France-Presse