Paris 2024 flame sisindihan sa Olympia para simulan ang 12,000 kilometer journey
Sisindihan ngayong Martes ang Paris 2024 Oylmpics flame sa sinaunang Olympia, ang lugar na kapanganakan ng ‘sinaunang laro,’ para sa isang ‘epic torch relay’ na mag-uumpisa sa Acropolis patungo sa South Pacific.
Daan-daang dignitaries at mga manonood ang inaasahang dadalo sa naturang ritwal na gaganapin sa maliit na bayan ng Peloponnese sa timog-kanlurang Greece, kung saan isinilang ang Olympics noong 776 BCE, at kung saan din ginaganap ang seremonya tuwing dalawang taon para sa Summer at Winter Olympics.
Sa kauna-unahang pagkakataon mula nang umiral ang pandemya ng Covid-19 na sanhi upang ‘mag-tone down’ ang mga kaganapan para sa 2020 Tokyo Olympics at 2022 Beijing Winter Games, ay muli nang makadadalo ang mga manonood upang saksihan ang torch relay.
Sa isang rehearsal nitong Lunes, ang Greek actress na si Mary Mina ang nagbigay buhay sa Olympic flame sa tulong ng isang parabolic polished mirror bago ito ipinasa sa unang torch bearer, ang 2020 Olympic rowing champion na si Stefanos Ntouskos.
Gagamitin ito bilang backup kung sakaling ang tinayang maulap na kalangitan ngayong Martes ay maging sanhi upang hindi makagawa ng apoy ang salamin.
Ang seremonya ay idaraos sa guho ng 2,600-taon nang Temple of Hera, kung saan pangungunahan ng Greek President na si Katerina Sakellaropoulou at International Olympic Committee president na si Thomas Bach ang talaan ng matataas na mga opisyal.
Dadalo rin ang French sports minister na si Amelie Oudea-Castera at si Paris Mayor Anne Hidalgo.
Sinabi ni Artemis Ignatiou, choreographer at artistic director ng Olympic flame ceremony, “We hear nature, the rustling of the leaves, there is a sacred silence. There are moments when we feel as if we are hovering above the ground. It’s like travelling back in time.”
Ang American mezzo soprano naman na si Joyce DiDonato ang aawit ng Olympic anthem.
Ang pagkakaroon ng torch ay nagsimula sa sinaunang Olympics, kung saan isang apoy ang namalaging naglalagablab sa buong panahon ng palaro. Ang tradisyon ay muling binuhay noong 1936 para sa Berlin Games.
Ayon sa mga source sa Greece, ang retiradong French swimmer na si Laure Manaudou, na nagwagi ng gintong medalya sa 2004 Athens Olympics, ang pinapaboran upang maging unang torchbearer ng France sa Olympia.
Sa buong 11-araw na torch relay sa Greece, nasa 600 torchbearers ang palit-palitang magdadala nito sa distansiyang 5,000 kilometro (3,100 milta) na dadaan sa 41 mga munisipalidad.
Pagkatapos, ang Olympic flame ay ipapasa sa Paris 2024 organisers sa isang seremonya sa Panathenaic Stadium na ang kabuuan ay gawa sa marmol, ito ang pinagdausan ng unang modernong Olympic Games ng 1896, noong April 26.
Imbitado rin na umawit sa seremonya si Nana Mouskouri, ang 89-anyos na Greek singer na may mga tagahanga sa buong mundo.
Sa Abril 27, ay magsisimula ang ‘flame journey’ sa France lulan ng 19th-century three-masted barque Belem, na inilunsad ilang linggo makaraan ang Athens 1896 Games.
Isang makasaysayang French monument, ang Belem ay nagsagawa ng ‘trade journeys’ sa Brazil, Guyana at Caribbean sa loob ng halos dalawang dekada.
Inaasahang darating sa Marseille sa May 8 ang ‘last surviving three-mast steel-hulled boat’ ng France.
Sampung libong torchbearers naman ang magdadala ng Olympic flame sa 64 na teritoryo ng France.
Maglalakbay ito sa 400 bayan at dose-dosenang mga atraksyong panturista sa 12,000-kilometro (7,500-milya) na paglalakbay nito sa mainland France at sa ibang bansa na mga teritoryo ng Pransya sa Caribbean, Indian Ocean at Pacific.
Sa Hulyo 26, ang Olympic flame ang kukumpleto sa sentro ng seremonya ng pagbubukas ng Paris Olympics sa Seine river, na unang pagkakataon na hindi ito ginanap sa main stadium ng Games.