Partial solar eclipse mula Iceland hanggang India, masasaksihan sa Martes
Makikita sa kabuuan ng Northern Hemisphere ngayong Martes, ang isang partial solar eclipse, ngunit ang amateur astronomers ay binabalaang mag-ingat sa panonood sa pambihirang pangyayari.
Ayon sa IMCCE institute ng Paris Observatory ng France, ang eclipse ay magsisimula ng 0858 GMT sa Iceland at magtatapos sa baybayin ng India ng 1302 GMT, na tatawid sa Europa, Hilagang Africa at Gitnang Silangan sa kaniyang paglalakbay.
Ang solar eclipses ay nangyayari kapag ang buwan ay dumaan sa pagitan ng araw at mundo, at ang anino nito ay lumulukob sa ating planeta.
Ang isang total solar eclipse ay nagaganap kapag lubusang hinarangan ng buwan ang araw, na magiging sanhi naman upang pansamantalang mabalot ng kadiliman ang mundo.
Gayunman, ang eclipse sa Martes ay partial lamang, at ang anino ng buwan ay hindi aabot sa ibabaw ng mundo ayon sa Paris Observatory.
Sinabi ni Paris Observatory astronomer Florent Deleflie, na tatakpan ng buwan ang nasa 82 porsiyento ng araw sa Kazakhstan, pero hindi nito ganap na padidilimin ang liwanag sa kaumagahan.
Aniya, “To start getting the sense of darkness in the sky, to perceive a kind of cold light, the Sun needs to be at least 95 percent obscured.”
Sinabi ng mga eksperto, na yaong nagnanais na panoorin ang eclipse ay hindi dapat tumingin ng direkta sa araw kahit nasa likod ito ng mga ulap upang maiwasan ang eye damage, kundi dapat na magsuot ng protective eyewear.
Sinabi ni Deleflie, “We will see that a small piece of the Sun is missing. It won’t be spectacular, but it’s always an event for amateur astronomers — and it can make for beautiful photos.’
Ito na ang magiging ika-16 na partial solar eclipse ng siglo, at ikalawa ngayong taon.
Ayon sa NASA, ang susunod namang total solar eclipse ay dadaan mula North America sa April 8, 2024.
© Agence France-Presse