Partisipasyon at pagdalo ni PBBM sa UN General Assembly, kasado na
Tuluy na tuloy na ang paglahok at pagdalo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 77th United Nations General Assembly (UNGA) sa New York, USA sa susunod na linggo.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nakatakdang bumiyahe pa-Amerika si PBBM sa September 18 para sa UNGA.
Kabilang sa magiging partisipasyon ni Marcos ay ang kanyang talumpati sa high-level debate sa UNGA sa September 20.
Ang tema ngayong taon sa General Debate ay
“A watershed moment: transformative
solutions to interlocking challenges.”
Sinabi ni DFA Assistant Secretary for United Nations and Other International Organizations Kira Christianne Danganan-Azucena na ihahayag ni Marcos sa kaniyang talumpati ang mga prayoridad ng administrasyon nito gaya ng climate change, the rule of law, and food security.
Aniya, tinatayang 152 heads of states ang inaasahang dadalo sa UNGA.
Dahil dito, zasamantalahin din aniya ng pangulo ang nasabing pagkakataon para makipagpulong sa ilang pinuno ng ibang bansa.
Makikipag-usap din ang presidente sa ilang UN officials.
Tumanggi muna ang DFA at ang Malacañang na kumpirmahin kung sinu-sino ang mga lider ng ibang bansa ang makakapulong ni PBBM.
Ayon naman kay DFA Assistant Secretary Jose Victor Chan-Gonzaga, patuloy pa rin ang konsultasyon ng Pilipinas sa Washington D.C. ukol sa posibleng sidelines meeting sa UNGA nina Marcos at U.S. President Joe Biden.
Inihayag ng DFA na mahalaga ang partisipasyon ng pangulo sa pagbubukas ng UNGA 77 dahil ito ang kaniyang unang engagement sa UN.
Paliwanag pa ng DFA, ang High-Level General Debate ang pinakaimportanteng political event dahil doon inilalahad ng lider ng iba’t ibang bansa ang policy statements ukol sa world affairs at pandaigdigang relasyon.
Moira Encina