Parusa sa mga Curfew hour violator, ibabatay sa Ordinansa ng bawat LGU
Nakabatay sa ordinansa na umiiral sa bawat Local Government Units na binubuo ng 16 na lungsod at isang bayan ang parusang ipapataw sa sinumang lalabag sa ipaiiral na curfew hours sa Metro Manila.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na pinagtibay ng Inter Agency Task Force (IATF) ang rekomendasyon ng Metro Manila Council na ipatupad ang 10:00 pm to 5:00 am curfew hours simula ngayong Lunes, March 15 hanggang March 31.
Ayon kay Roque, layunin ng pagkakaroon ng uniformed curfew hours ay upang maiwasan ang kalituhan para epektibong makontrol ang galaw ng publiko at mapababa ang pagkalat ng COVID-19 sa Metro Manila.
Inihayag ni Roque, palalakasin din ang contact tracing sa pangunguna ng Department of Interior and Local Government (DILG) gamit ang stay safe.ph application at formula na ginawa ni contact tracing Czar Baguio City Mayor Benjamin Magalong na 1:36 ratio.
Niliwanag ni Roque paiigtingin din ang pagpapatupad ng Covid-19 Coordinated Operations to Defeat Epidemic o CODE sa pamamagitan ng pinalakas na mobilisasyon ng Barangay Health Emergency Response Team o BHERT kung saan mahigpit din na imomonitor ang mga workplaces kung nasusunod ang standard health protocol na pagsusuot ng facemask, faceshield, paghuhugas ng kamay at social distancing.
Vic Somintac